ABSTRACT: Ang pag-aaral na ito ay naglalayong masuri ang intertekstuwal na signipikasyon sa Pagpapahalagang Pilipino mula sa social seryeng Better than Fiction ni Beeyotch. Tinitiyak na mabigyang diin ang sumusunod na Pagpapahalagang Pilipino: (1) Paayong Pagpapahalaga (2) Mga Kaugnay na Kilos (3) Pagpapahalagang Tulay ng Sarili sa Iba. Nakaangla ang pag-aaral sa Teoryang Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio G. Enriquez. Sinuri ang pag-aaral sa pamamagitan ng Content Analysis. Ito ay ang pagsusuri at paglalarawan o pagpapakahulugan ng mga ipinapahayag na teksto sa isang akda. Mababasa ang social seryeng “Better than Fiction” ni Beeyotch sa wattpad o facebook at sa aklat. Ang social seryeng “Better than Fiction” ay naglalaman ng tatlong kuwento: Missent, The Pretend Game, Almost like a Fairy Tale. Lumabas sa pag-aaral na may tatlong pagpapahalagang Pilipino sa pakikipagrelasyon na nabunyag sa kuwento: ang Paayong Pagpapahalaga (Accommodative Surface Value), Mga Kaugnay na Kilos (Associated Behavioral Pattern), Pagpapahalagang Tulay ng Sarili sa Iba (Pivotal Interpersonal Value). Bawat Pagpapahalagang Pilipino ay sumasaklaw ng iba‟t ibang ugali ng Pilipino sa pakikipagrelasyon na nabunyag sa kuwento. Napatunayan mula sa unang Pagpapahalagang Pilipino, ang Paayong Pagpapahalaga ay ang ugaling hiya (propriety/ dignity), utang na loob (gratitude/ solidarity) at pakikisama (companionship/ esteem). Sa ikalawang Pagpapahalagang Pilipino, Mga Kaugnay na Kilos sumasaklaw ang ugaling biro (joke), lambing (sweetness) at tampo (affective disappointment). Naibunyag sa ikatlong Pagpapahalagang Pilipino, ang Pagpapahalagang Tulay ng Sarili sa Iba ang ugaling pakikiramdam (shared identity) ng mga tauhan mula sa kuwento. Batay sa mga natuklasan, mula sa mga datos na nakalap nabuo ang konklusyon na ang social seryeng “Better than Fiction” ay naglalahad ng intertekstuwal na signipikasyon sa Pagpapahalagang Pilipino sa kasalukuyang panahon. Mula sa mga natuklasan at konklusyon, ang sumusunod ay inerekomenda: mabigyang pokus at halaga ang mga kinagisnang kultura at ugali ng mga Pilipino tulad ng hiya, utang na loob at pakikisama sa Paayong Pagpapahalaga mula sa Sikolohiyang Pilipino, maunawaan at maipadama ang damdamin ng mga Pilipino tulad ng biro, lambing at tampo sa Mga Kaugnay na Kilos mula sa Sikolohiyang Pilipino at maiuugnay at mapatibay ang relasyon sa sarili sa kapwa mula sa pag-unawa at pagsasalamin sa Pagpapahalagang Tulay ng Sarili sa Iba na sumasaklaw ang ugali ng pakikiramdam.