ABSTRACT : Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa pagtukoy ng mga suliranin sa pagtuturo at mga lapit na ginagamit ng mga guro sa pagtuturo ng wika at panitikan sa asignaturang Filipino sa mga piling paaralan sa antas tersarya. Tinukoy rin mula sa mga tagatugon ang mga mungkahing gawain sa pagpapabuti ng pagtuturo ng wika at panitikan. Isinagawa ang pag-aaral sa mga piling paaralan at pamantasan ng Leyte at Samar. Ang mga guro na nagtuturo sa asignaturang Filipino ang naging tagatugon. Qualitative ang pag-aaral na naglalayong matukoy ang suliraning nararanasan at mga lapit na ginagamit ng mga guro sa pagtuturo ng wika at panitikan. Semi-structured na mga katanungan ang ginamit sa pakikipanayam upang mapalalabas ang impormasyng kinakailangan. Lumabas na nangungunang suliranin sa pagtuturo ng wika at panitikan ang kakulangan sa kaalaman ng guro sa istrukturang gramatikal sa pagtuturo ng wika. Pumapangalawa ang kakulangan ng kaalaman sa pag-unawa ng iba’t ibang pagdulog sa pagtuturo ng akdang pampanitikan. Pumapangatlo ang kakulangan sa kaalaman sa mga makabagong pamamaraan o istratehiyang pampagtuturo; at paggamit ng mga makabagong salita gaya ng jejemon at bekemon. Lumabas din na ang pinakakaraniwang lapit na ginagamit ng mga guro ay ang integrative at sinundan ito ng content-based. Ito ay nangangahulugan na ang baryedad ng mga lapit sa loob ng isang pagtuturo ay mabisa sa pagkatuto ng mga mag-aaral sapagkat ang integrative approach ay pinagsanib at pinaghalong mga lapit at pamamaraan. Ilan sa mga mungkahing gawain upang mapaunlad ang pagtuturo sa wika at panitikan ay nakatuon sa paglinang sa kasanayan ng mga guro sa pagtuturo sa wika at panitikan, pagbuo at pagpapaunlad ng mga kagamitang pampagtuturo at pagbibigay ng mga gawaing pampagkatuto na may kaugnayan gamit ang teknolohiya. Bilang rekomendasyon, umigting pa lalo ang kawilihan ng mga guro na makadalo at makibahagi sa mga gawaing hinggil sa pagpapaunlad ng pagtuturo at paggamit ng mga lapit sa pagtuturo. Nararapat din na taglayin ng bawat guro ang sapat na kaalaman sa paksa at sa mga makabagong paraan ng pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Dapat isaalang-alang ang pagpaplano ng mga tagagawa ng batas o programa ang masinsinang paglinang ng kasanayan ng mga guro sa pagtuturo ng wika at panitikan at sa mabisang implementasyon nito.
KEYWORDS : Suliranin sa pagtuturo, Lapit, Wika, Panitikan, Filipino