ABSTRACT : Ang suliranin sa pagbasa ay nananatiling pangunahing hamon sa sistema ng edukasyon sa bansa, na may malaking epekto sa akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Bilang tugon, isinasagawa ang pag-aaral na ito upang matukoy ang mga salik na nakaaapekto sa kahirapan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa sekundarya. Ginamit bilang pangunahing instrumento ang LETRA (Language Enhancement Through Reading Assessment) sa pangangalap ng datos, na magsisilbing batayan sa pagpapaunlad ng mga estratehiya at programang magpapalakas sa kasanayan sa pagbasa.Isang kuwantitatibong pananalikisik na ginamitan ng semi-structured survey questionnaire at inayos ayon sa “5M” at “5 Why Analysis”. Isinailalim naman ang mga ito sa proseso ng Frequency at Percentage Analysis. Batay sa mga natuklasang datos, malinaw na ang kahirapan sa pagbasa ng mga mag-aaral ay dulot ng magkakaibang salik na may kaugnayan sa Lakas-Tao, Makina, Materyales, Paraan, at Kapaligiran. Ang mga salik na may pinakamalaking epekto ay ang kakulangan ng suporta mula sa pamilya, kawalan ng oras para sa pagbabasa, at kawalan ng sistematikong daloy ng pagbabasa sa paaralan at tahanan. Ipinapakita rin ng datos na ang emosyonal na salik, tulad ng trauma at kawalan ng gana, ay malaki ang kontribusyon sa kahirapan ng mga mag-aaral na paghusayin ang kanilang kakayahan sa pagbasa. Ang mga natuklasan ay nagsisilbing mahalagang batayan para sa pagbuo ng mga programang magpapahusay sa kanilang kasanayan sa pagbasa. Ang kolaborasyon sa pagitan ng mga magulang, guro, at komunidad ay lubhang kinakailangan upang tugunan ang mga salik na ito at masiguro ang tagumpay ng mga mag-aaral sa larangan ng pagbabasa.