ABSTRAK: Ang wika ay nagsisilbing instrumento sa pagkakaroon ng mas epektibong komunikasyon at daan sa mabuti at maayos na pakikipag-ugnayan at pakikipagtalastasan. Isa sa mga makabuluhang katangian ng wika ay ang pagiging dinamiko nito, hindi ito maaaring tumanggi sa pagbabago. Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ay ang pagbabago rin sa bokabularyo ng ating wika. Sa makabagong panahon, ang social media ay naging mahalagang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng maraming tao, Nagbibigay-daan ang mga ito upang makipagugnayan ang bawat indibidwal saang dako man ng mundo sila naroroon. Sa paglaganap ng mga social media applications hindi maitatanggi na ito ay nagdulot ng epekto sa pagbabago ng ating wika. Isang halimbawa ay ang paggamit ng mga akronim o mga letra na sumisimbolo sa isang salita upang mas madaling maunawaan. Maging ang mga balbal na salita ay mas lumaganap dahil karaniwan itong ginagamit ng mga kabataan. Sa usapin ng makabagong teknolohiya nangunguna ang mga kabataan sa pagiging updated at higit na may kaalaman sa paggamit ng social media, ano man ang kanilang layunin sa paggamit nito, maaaring panlibangan, paghahanap ng mapagkakakitaan, makatulong sa kanilang pag-aaral at marami pang iba. Ang layunin ng pag-aaral na ito ay naglalayong tukuyin kung paano at hanggang saan nakaaaapekto ang social media sa pagyabong ng bokabularyo ng mga mag-aaral, pati na rin ang mga positibo at negatibong implikasyon nito. Ang mga mananaliksik ay gumamit ng Quantitative Research at ginamitan ng sarbey-tseklist na kung saan ang mga respondente ay pumili na naaayon sa kanilang hilig. Gumamit rin ng deskriptibong pananaliksik ng mga datos ang mga mananaliksik sa pag-aaral na ito upang malaman kung ano-ano ang mga bokabularyong natutuhan ng mga kalahok sa paggamit Social Media. Ang bilang ng respondente ay apatnapung (40) mga kalahok mula sa paaralan sa lungsod ng Zamboanga. Ang lumabas na resulta ayon sa 40 na kalahok ay karamihan sa mga kabataan ngayon ay gumagamit ng balbal na salita lalo na sa online world at napapanahon pa rin ang paggamit ng mga salitang pinaikli, binaliktad at mga ekspresyon bilang pagpapahayag ng nararamdaman. Makikita rin sa pag-aaral na ito na malaki ang epekto sa mga kabataan ng Social Media platporm sa pagpapalawak ng bokabularyo at sa kanilang pang-araw-araw na buhay lalo na sa pagbabahagi ng kanilang karanasan at pakikipag-ugnayan sa iba. Gayunpaman, pinakita rin sa resulta na kailangan ring bigyang pansin ang kamalian sa gramatika na nangangahulugang dapat pa rin isaalangalang ng mga kabataan ang maayos na pagpapahayag.